Daughters of Saint Paul

ENERO 28, 2020 – MARTES SA IKATLONG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 3:31-35

Dumating ang ina ni Jesus at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya.  Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mag kapatid; hinahanap ka nila.”  At sinabi ni Jesus sa kanila:  “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “narito ang aking ina at mga kapatid.  Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin and sumusunod sa kalooban ng Diyos.”

PAGNINILAY:

Para sa ating mga Filipino na kilala sa pagiging sensitibo, at may malaking debosyon sa Mahal na Birheng Maria, siguro masasaktan tayo sa sinabi ng Panginoon sa Ebanghelyong ating narinig,  “Sino ang aking ina, at sino ang aking kapatid?” May hatid rin itong tensiyon sa paniniwala nating mga Katolikong Kristiyano tungkol sa panghabambuhay na pagkabirhen ng Mahal na ina, na ang ibig sabihin walang naging kapatid ang Panginoong Jesus.  Samakatuwid, hindi ang Mahal na Birhen Maria ang kanyang tinutukoy dito kundi ang lahat ng mga mananampalatayang sumusunod sa Kanya.  Mga kapatid, kamusta ba ang pagsunod natin sa Panginoon? Naisasabuhay ba natin ang Kanyang mga turo? Naalala ko tuloy ang isang mister na nagkwento sa akin, kung gaano kaaktibo ang kanyang misis sa pag-atend ng lingguhang BEC o Basic Eccelesial Community sa kanilang lugar.  Aniya, masaya ang samahan na sinalihan ng kanyang Misis at mukhang kuntento naman siya dito. Kaya natutuwa naman siya at ever-supportive sa mga gawain ng grupo.  Pero ang ipinagtataka niya, sa tuwing umaatend ng BEC ang Misis niya, pag-uwi nito sa bahay, napakasungit! Hindi makontrol ang sarili kapag nagagalit; nagbibitiw ng masasakit na salita, at pati siya inaaway at kinagagalitan.  Kaya ang tanong niya, sino ba ang na-encounter niya sa BEC? Si Kristo ba o ang diyabolo? Tunay na napakalaking hamon sa atin ang pagsabuhay ng Salita ng Diyos na ating pinag-aaralan, pinagninilayan at pinagdadasalan.  Kailangang makita ang magandang epekto nito sa ating buhay! Upang tayo mismo, maging buhay na Bibliya na binabasa ng mga taong nakapaligid sa atin.  

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Mo po akong maisabuhay ang Iyong Salita na araw-araw kong napakikinggan at napagninilayan,  Amen.