Daughters of Saint Paul

PEBRERO 2, 2020 – IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo (ABK)

EBANGHELYO: LUCAS 2:22-40

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa panginoon. Tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon….Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. May isang babaeng propeta , si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser matandang matanda na siya… Sa pag-akyat niya sa panahong iyon , nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa  Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

PAGNINILAY:

Promises are meant to be broken daw. Napapako nga ba ang pangako? May mga taong sanay na yatang mangako ng mangako… Mga kababayan, ipinapangako ko na kung mananalo ako mawawala ang trapik sa EDSA, mawawala ang mga magnanakaw, ang mga problema ng bayan… ayun, naglaho hindi ang problema, naglaho ang pangako, napako. Pero, iba ang Diyos, hindi lang siya puro pangako. Sa araw na ito Isang katotohanan ang pinatunayan ng Diyos, na tutuparin niya ang kanyang pangako, na hindi niya pababayaan ang kanyang bayan. Natunghayan natin sa Mabuting Balita na dinala nina Maria at Jose si Hesus sa templo. Doon nasilayan ni Simeon at Anna ang sanggol. Si Hesus na tanda ng katuparan ng pangako ng Diyos sa atin, siya ang Emmanuel, Diyos na sumasaatin, liwanag ng sanlibutan.  Kamakailan lamang, naranasan natin ang matinding pagsubok dala ng pagputok ng bulkang Taal, nagdilim ang kalangitan. Napuno ng abo, nabalot ng takot at pangamba ang lahat. Sa araw na ito, kasama si San Jose at ng mahal na Ina, ang Birhen ng Candelaria, dala nila ang tunay na liwanag na papawi sa lahat ng kadiliman, siya ang katuparan ng pangako ng Diyos na hindi tayo pababayaan, Si Hesus.