EBANGHELYO:MARCOS 5:21-43
Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkulumpunan siya ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para iligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay.” Kaya umalis si Jesus kasama niya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniisturbo ngayon ang Guro?” “Huwag kang matakot , manampalataya ka lamang.” At wala siyang pinayagang sumama sa kanya liban kina Pedro, Jaime, at Juang kapatid ni Jaime… Pagpasok niya sa kinaroonan ng bata,hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum,” na ang ibig sabihi’y “Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. At nooy di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sem. Jean Carl Nathaniel Supan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Hindi ko na alam kung gaano karaming beses na akong nag-isip na “Imposible na ‘tong masolusyonan!”. Siguro, patunay ito na mahina pa talaga ang aking pananampalataya. Dahil sa daming beses na sa tingin ko ay imposible na, ganun din karaming beses na ipinakita sa’kin ng Panginoon, na pwede pa pala. May paraan pa! Pwede pang solusyonan. Sa seminaryo, sinasabi namin, pag mahirap nang solusyonan ang problema na PUSH lang: Pray Until Something Happens. Kapatid, madalas, ang mga imposibleng sitwasyon na ito ay oportunidad natin upang mas magtiwala sa Panginoon. Sa araw na ito, handa mo bang ibigay ang buong pananampalataya sa Diyos?