Daughters of Saint Paul

PEBRERO 6, 2020 – HUWEBES SA IKA-APAT NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS  6:7-13

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lamang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n’yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.”At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang kanilang pinagaling sa pagpapahid ng langis.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Seminarian John Renzo Muega ng Diocese of San Pablo ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Naranasan mo na bang mag-commute ng maraming dala-dala? Ipagpalagay nating may maleta ka, mga bag, at iba’t iba pang mga kagamitan, tapos sasakay ka sa pampublikong sasakyan? Mahirap, mabigat, at hassle kapag bumiyahe di ba? Mga kapatid, sa araw na ito, napakinggan natin kay Hesus ang isang bilin, “tungkod lamang ang iyong dalhin sa paglalakbay.” Tungkod? Pero walang pagkain, balabal, o pitaka? Mukhang mahirap at hindi yata praktikal iyon. Kapag naglalakbay tayo, gusto natin sigurado tayo – may dalang pera, pagkain, damit at anupang gagamitin natin habang nasa daan. Gusto lamang nating maging segurista. Pero sa ebanghelyo, may nais iparating si Hesus sa atin sa pagsunod sa kanya. Hindi niya nais na maging secure tayo sa mga bagay-bagay. Hindi kayang ibigay ng bagay ang tunay na ginhawa sa ating paglalakbay. Ang turo ni Hesus, dapat mas maging secure tayo sa Dakilang Lumikha ng lahat ng mga bagay. Dahil sa Kanya, lahat ay ibibigay. Oo, lahat ng kailangan natin, kaya N’yang ibigay!  Nais lamang ng Panginoong Hesus na magtiwala tayo sa Kanya ng buo. Kapag sinabing buo – buong isip, puso, kaluluwa, lakas, at buong pagkatao… Katulad ng pagtiwala ni Hesus ng buo sa Ama noong dumating siya sa lupa. Ganun din ding pagtitiwala ang inaasahan Niya sa atin – buo at walang pag-aalinlangan. Amen.