EBANGHELYO: MARCOS 8:14-21
Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa Bangka at pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay, anong gagawin natin ngayon?” Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Ba’t n’yo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba n’yo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at mga tengang di nakakarinig? Hindi ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sem. John Renzo Muega ng Diocese of San Pablo ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. May mga kakilala ka bang mahirap umunawa ng mga bagay-bagay? Kahit gaanong paliwanag, sarado pa rin ang isip at hindi makaunawa. Sa ebanghelyo ngayon, dalawa ang naging malabong kausap ni Hesus: ang mga pariseo at ang kanya mismong mga alagad. Narinig natin sa ebanghelyo kahapon ang malabong pagkaunawa ng mga pariseo sa pagka-mesiyas ni Hesus, kaya sa araw na ito, nagbabala si Hesus sa kanilang lebadura. At ngayon naman, ang mga alagad mismo ni Hesus, ang nalalabuan at hindi makaunawa sa Kanyang mga salita, gawa, at pagkatao. Kaya ipinamukha ng Panginoong Hesus sa kanila ang nakitang himala sa pagpaparami ng tinapay. Pero tila nabahiran na ng lebadura ng mga Pariseo at Herodes ang isip ng mga alagad, kaya’t naging matigas sila sa pang-unawa. Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus sa ebanghelyo, na maging bukas ang ating pusong unawain ang kanyang pagka-Mesiyas sa ating buhay. Huwag nawang maging malabo ang pagtingin natin sa kanyang pagka-Mesiyas. Kung hindi mo na “gets?” ang kanyang turo at pagkatao o kahit ang nangyayari sa iyong buhay, hilingin mong liwanagan Niya ang iyong hindi pagkaunawa. Dahil kay Hesus na Liwanag ng Mundo, tayo’y maliliwanagan. Amen.