EBANGHELYO: LUCAS 9:22-25
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw.” “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sino ba sa inyo mga kapanaligang ayaw ng maayos at komportableng buhay? Tiyak, kung papipiliin tayo, wala sigurong pipili na maging isang kahig, isang tuka.// Wala naman sigurong masama at lalong hindi kasalanan ang maging masipag at mahusay sa trabaho upang maging maayos at maginhawa rin ang buhay. Pero kung sa hangarin nating yumaman, nanlalamang tayo sa kapwa at nagiging bulag sa pangangailangan at paghihirap ng ating kapwa, hindi na ito ikatutuwa ng Panginoon. Lalo na kung nabubuhay tayo sa kasalanan, kapalit ng pagyaman. Sa unanag Pagbasa, ipinakikita sa atin na malaya tayong makapipili ng landas na nais nating tahakin, gayun din ang maaring maging consequences nito sa ating buhay. Pinaigting pa ni Jesus ang katotohanang ito sa ating Ebanghelyo ngayon, nang sabihin niyang: “Sapagkat ano nga ang mapapakinabang ng mga tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mawawala siya o mapapahamak ang kanyang sarili?” Kapag namatay tayo, hindi naman natin madadala sa kabilang buhay ang lahat nating kayamanan dito sa lupa. Kaya nga “Mapalad ang nagtitiwala sa Panginoon”, sabi ng Psalmist sa araw na ito. Di man tayo maging mayaman, hindi rin naman tayo magkukulang sa lahat ng ating pangangailangan. Kapag magtiwala tayo lagi sa pagpapala ng ating Panginoon, lagi tayong may sapat para sa lahat ng ating pangangailangan. Hindi tayo kukulangin ng anumang pangangailangan natin, dahil ang Diyos ang magbibigay nito sa araw araw. Amen.