Daughters of Saint Paul

MARSO 3, 2020 – MARTES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mateo 6: 7-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. “Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. “Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”  

PAGNINILAY:

Marunong ka ba talagang manalangin?  Ano kadalasan ang nilalaman ng iyong panalangin?  Marahil ang ilan sa inyo sasagot, siyempre naman! Mula pa pagkabata hanggang sa edad ko ngayon nakasanayan ko nang manalangin.  Nagsisimba ako tuwing linggo, at kung minsa’y pati Miyerkules at unang Biyernes, nagnonobena din ako at nagrorosaryo din pag minsan.  Kapatid, tumahimik ka sandali, ito na ba ang panalanging ganap at kalugod-lugod sa Panginoon? Sa Ebanghelyo ngayon, tinuruan tayo ng Panginoong Jesus ng tamang panalangin – ang dasal na Ama Namin. Taglay ng dasal na ito ang pagkilala natin sa Diyos bilang ating Ama, na nakakaalam ng ating pangangailangan.  Sa totoo  lang, alam na ng Diyos ang ating sasabihin bago pa natin buksan ang bibig para manalangin.  Kaya kailangang magdasal tayo katulad ng isang bata na nakikilala ang kanyang ama, nais makapiling ang ama at sabihin sa kanya, Mahal kita Itay, gusto kitang kasama.  Ang dasal na ito nakatuon sa ating relasyon sa Ama, at hindi sa pagsasabi lamang ng ating mga pangangailangan. Ganap na panalangin ito ng isang bata na nagmamahal at nagpaparangal sa kanyang ama.  Mga kapatid, totoo ngang hindi tayo marunong manalangin ng wasto.  Kaya’t kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu na iluhog sa puso ng Diyos Ama ang taimtim na hangarin ng ating puso.  

PANALANGIN:

Panginoon, hangad ko pong lumalim ang aking pananampalataya at pagkakakilala Sa’yo.  Turuan Mo po akong dasalin ang dasal na Ama Namin ng taimtim at nagmumula sa puso. Inaangkin ko po ang bawat kataga ng dasal na ito.  Panginoon, dinggin Mo po ang aking taos-pusong pagsamo.  Amen.