EBANGHELYO: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama nang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Sem. Mark Louise Maraan, 2nd Year Aspirant ng Society of Saint Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita ngayon na makuntento sa biyayang mayroon tayo. Huwag nang humanap ng higit pa rito, dahil ang biyaya at signs na ipinagkaloob na sa atin, masasabing labis – labis na para sa atin. Pero minsan, nabubulag tayo sa pansariling kagustuhan. Sa panahon ngayon, masasabi nating napakahirap makuntento sa mga bagay na mayroon na tayo. Aminin man natin o hindi, sa tuwing nagdarasal tayo sa ating Ama, wala na tayong ginawa kundi humingi ng sign para sa isang bagay na gusto nating mangyari. At kapag nakamit na ang gustong mangyari, hindi pa rin makuntento at patuloy na humihingi ng sign. Mga kapatid, ang mga bagay o signs mula sa ating Panginoon ay makikita sa mga ordinaryong gawain natin araw-araw na ginagampanan natin nang may pagmamahal. Katulad ng paglalaba, pagliligpit, at pagluluto, mga signs ito ng pagmamahal sa pamilya, at pagbibigay ng buong sarili, katulad ng ginawa ng Panginoong Hesukristo na inihandog ang kanyang sarili para sa ating lahat.
PANALANGIN:
Panginoon, marapatin mo pong Makita ko ang napakaraming tanda ng Iyong pagmamahal at buhay pananatili sa mga ordinaryong kaganapan sa aking buhay. Huwag nawa akong magreklamo sa wala, sa halip maging mapagpasalamat sa bawat biyayang ipinagkaloob Mo sa akin. Amen!