EBANGHELYO: Mt. 5:20-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.’ Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang mang insulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. “Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulis na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Cl. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Mahilig ka bang magsabi ng Dapat? Makabubuti na makita ang halaga ng pag-iingat sa pag gamit ng salitang DAPAT lalo na kung puro sabi lang tayo ng ng dapat, pero hindi rin naman natin sinusunod: “Dapat pumasok sa tamang oras!” sabi ng Boss. Ayun, si Boss flexi-time pumasok. “Dapat magtrabaho kung oras ng trabaho!” sabi ng Boss. Ayun, si Boss puro social media at online games. Parang ganito ang suliranin ng mga Pariseo’t Escriba, mahilig magsabi ng Dapat, pero kulang naman sa pagsasagawa. Paimbabaw kung titignan. Marahil, hindi nga nila ginagawa ang mga masamang bagay tulad ng pagpatay o pagnanakaw. Pero sumisigaw naman sa kakulangan ang kanilang paggawa ng kabutihang makatutulong sa kanilang kapwa. Higitan natin ang pagsasabi lamang kung ano ang dapat, bagkus gawin natin ang makatutulong sa iba. Gawin ang mabuti para sa lahat, hindi paimbabaw, hindi puro sabi lamang ng dapat. Tandaan, Maging Mabuti at Matuwid sa Isip, sa Salita at higit sa lahat sa Gawa.