EBANGHELYO: Mateo 5:43-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala niyo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa iyo. Paulit-ulit na lang nating naririnig, “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway”. Napapansin ko nga na kapag tungkol na sa pagmamahal sa kaaway ang paksa ng reflection, hindi lahat sumasang-ayon. May ilan-ilan ring nagbibigay ng “thumbs down” o dislike emoji, minsan nga “angry face” pa. Naiintindihan ko naman sila. Hindi likas sa atin bilang tao ang balewalain ang sakit na nararamdaman natin kapag tayo’y nasasaktan. Kaya kahit paulit-ulit na sinasabi ng Ebanghelyo na mahalin ang kaaway, ang hirap-hirap pa rin itong sundin. Kinakailangan talaga ng napakalawak na pang-unawa at napakalalim na pananampalataya para matutunang tanggapin at mahalin ang mga taong nakagawa sa atin ng kasalanan, lalung lalo na kung hindi naman sila nagsisisi o humihingi ng tawad. Mahirap pilitin ang sarili. Ang pagtanggap at pagmamahal sa kaaway ay dumaraan sa mahabang proseso. Hindi dito pwede ang “short cut”, walang time limit at wala ring deadline. Ang pinakaimportante, maging bukas tayo sa posibilidad na maaaring dumating yung araw na makakapagpatawad na tayo at magiging ganap na malaya sa anumang sakit o sama ng loob.
PANALANGIN:
Panginoon, batid ninyo kung paano kami sinaktan ng aming mga kaaway at naiintindihan ninyong hindi madali para sa amin ang magpatawad kaya iniaalay namin sa inyo ang aming mga sugatang puso upang sa takdang panahon ay matutunan naming patawarin at tanggapin ang mga taong nakasakit sa amin. Amen.