EBANGHELYO: Lucas 16:19-31
Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng sugat at gusto sana niyang kanin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya’t sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at paginhawain ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ “ Anak, alalahanin mong tinanggap muna sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na banging hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makakatawid ang mula riyan papunta rito.”’ “Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para mabalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ ‘Nasa kanila sa Moises at ang Mga Propeta, makinig sila sa mga ito.’ ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta hindi pa rin sila maniniwala
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Sem. Jean Carl Nathaniel Supan 2nd year aspirant ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Huwag ipagpaliban ang pagtulong sa kapwa. Ito ang panawagan ng Mabuting Balita ngayon! Sa dami-dami nating ginagawa, sa eskwalahan, sa trabaho, sa pamilya, minsan nakakalimutan natin na tignan ng kahit ilang sandali ang ating kapwa. Maaring isa ito sa aking malaking pagkukulang. Sasabihin ko sa sarili ko, mamaya na lang, ‘pag may pera na ako, o ‘pag may kapangyarihan na ako, o ‘pag may oras na ako. Hindi ba pwede ngayon na lang? Hindi naman kinakailangan na tulungan natin ang lahat ng bata sa lansangan, o lahat ng natutulog ng walang kumot o bubong. Maari rin naman tayo tumulong at maging kapwa sa ating kapamilya, kamag-anak, kaibigan, o sa ating mga kaaway. Maari natin silang tulungan, bago pa maging huli ang lahat. Mga kapanalig, tanungin natin ang sarili: sino nga ba ang pwede kong matulungan ngayon?