EBANGHELYO: Juan 5:1-16
Pagkatapos nito may piyesta ng mga Judio at umahon si Jesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Naroon ang isang taong tatlumpu’t walong taon nang may sakit. Nakita ni Jesus ang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinasabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “ Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: “Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyong: ‘Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat araw ng Pahinga niya ito ginawa.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sem. Jean Carl Nathaniel Supan, 2nd year aspirant ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Sa tropa ko noong high school, madalas naming husgahan at laitin ang mga kaklase namin. At syempre, dahil kami’y magkakaibigan, normal lang ‘to samin. ‘Di ko na nakita na mali na pala ang ginagawa namin. Dahil nasanay sa pangungutya, lahat na lang ng nakikita ko ay puro mali, pangit, at lahat ng kasamaan. Dahil ito ang naiisip ko sa ibang tao, ito rin ang naiisip ko sa aking sarili, at sa tingin ko, naiisip ng ibang tao sa akin. ‘Di ko sinisisi ang aking mga kaibigan sa ugali kong ito. Ito’y bunga ng sarili kong kakulangan. Nagsimula ito sa maliliit na salitang panghuhusga na sa tingin natin ay ‘di naman masakit. Pero, kapag naulit nang naulit, magiging kaugalian na natin ito. Ngayong, kuwaresma, tanungin natin: ano ba ang mga maliliit na kasalanan na ginagawa ko araw-araw at paano ko ito maiiwasan?