EBANGHELYO: Juan 8:1-11
Pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babae, na huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi kay Jesus: “Guro, huling-huli ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maisakdal sila laban sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan nang kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig naman ay isa-isang nag-alisan magmula sa matatanda, at siya’y naiwang mag-isa pati na ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? May humatol ba isa iyo?” At sumagot siya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon, huwag ka nang magkasala pa.”
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Cl. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Minsan, ang pinakamahirap sabihing salita ay iyong maiiksi, gaya ng Mahal Kita, Maraming Salamat at Sorry o Patawarin mo ako. Tinatawagan tayo ng mga salitang ito na magpakumbaba, umamin sa pagkukulang. Paalala sa atin ng Mabuting Balita sa araw na ito, walang taong hindi nagkakamali. Lahat tayo ay marurupok, nadadarang, natutukso ika nga nila. Pero hindi ito dahilan upang sumuko, panghinaan ng loob o hindi na gawin ang tama at dapat. Patuloy tayong binibigyan ng Second Chance upang iwasto, magsimulang muli at baguhin ang ating buhay. Kapatawaran ang iginagawad sa mga taong nagsisisi bagamat nagkamali, Kapatawaran, hindi Kamatayan. Sa Panahong ito ng Kuwaresma, patuloy tayong binibigyan ng Second Chance ng Panginoon upang magbago at magbalik sa kanya. Kapanalig, bumangon ka buhat sa pagkakasadlak, humingi ng kapatawaran, at huwag nang magkasalang muli.