EBANGHELYO: Juan 8:31-42
Sinabi ni Jesus sa mga Judiong naniwala sa kanya: “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi ni Abraham kami at hinding-hindi kami nagpapaalipin kaninuman. Paano mong masasabing ‘magiging Malaya kayo?’ Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ngunit hindi nananatili ang alipin sa pamamahay magpakailanman. Ang anak ay nananatili magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang magpapalaya sa inyo, totoong malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.” Kaya sumagot sila sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain… Ang mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami–ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako’y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”
PAGNINILAY:
Habang patuloy tayo sa paglalakbay at pagninilay ngayong panahon ng Kuwaresma, napakagandang pagtuunang pansin ang kaligtasang tinamo natin sa pag-aalay ng buhay ng Panginoong Jesus sa Krus, alang-alang sa pag-ibig sa bawat isa sa atin. Ginapi na ng Panginoon ang kadiliman at kasalanan, pinawi na niya ang takot, lungkot at pangambang naranasan ng mga alagad noong siya’y mabuhay na maguli. Ang katotohanang ito nawa ang magpalaya sa takot at pangambang nararanasan natin sa ngayon, hatid ng Corona virus pandemic na naging salot na sa sandaigdigan. Marahil marami sa atin ang nagtatanong, bakit hinayaan ito ng Panginoon na mangyari? Bakit hinayaan niya ang covid-19 na ito na yumanig sa sangkatauhan at mamuhay sa takot? Hindi kaya may mensahe ang Panginoon sa nangyayari sa atin ngayon? Mensahe na nagpapaalala sa ating pahalagahan ang buhay na hiram lamang sa Kanya; gumawa ng tama, mabuti at kalugod-lugod sa Diyos; at mamuhay sa pagmamahal sa Diyos, sa kapwa at sa sangnilikhang ipinagkatiwala Niya sa atin. Ngayong panahon ng Kuwaresma, maglaan tayo ng mas mahabang panahong magdasal, magnilay at magsisi sa ating kasalanan, at sa kasalanan ng mundo at ng sangkatauhan… Sama-sama tayong manikluhod, magsumamo at hingin ang awa at habang ng Panginoon na masupil na ang covid-19, at gumaling na ang mga taong dinapuan nito. Amen.