EBANGHELYO: Juan 8:51-59
Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ng Mga Propeta, at sinasabi mong ‘Kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan.’ Mas dakila ka ba kaysa ninuno naming si Abraham na namatay? Maging ang Mga Propeta ay nangamatay. At sino ka sa akala mo?” Sumagot si Jesus: “Kung ako ang nagmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking ama ang pumupuri sa akin, siya na tinuturing n’yo na inyong Diyos. Hindi n’yo siya kilala ngunit kilala ko Siya. Kung sabihin ko man na hindi ko Siya kilala, magsisinungaling akong tulad n’yo. Ngunit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. “Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng padating ko; nakita nga niya at natuwa.” Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abaraham, ako na nga.”Kaya dumampot sila ng mga bato upang ipukol sa kanya. Nagtago naman si Jesus at umalis sa Templo.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang Pagninilay sa Ebanghelyo. Sino ang Diyos sa buhay mo? Gaano mo Siya kakilala? Madalas, sa mga pagkakataon na nangangailangan tayo ng tulong, nagiging kampante ang ating kalooban kapag meron tayong kakilalang tao o kaibigan na maaasahan. Kaya, mga kapanalig, ngayon na meron tayong krisis na hinaharap dahil sa COVID 19, mahalaga ang pagkilala natin sa ating Panginoon.// Meron mahalagang mungkahi si Pope Francis para sa atin ngayong panahon ng kwaresma: pansamantala tayong lumayo sa ating mga gadgets at kilalanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa at pagmumuni-muni sa Kanyang mga salita. Sana magamit din natin ang enhanced community quarantine bilang isang magandang pagkakataon upang mapalalim ang pagkakakilanlan natin kay Hesus, na Siyang larawan at Salita ng Diyos.// Naalala ko ang malikhain na post sa Facebook na nagbibigay ng magandang acronym sa salitang COVID: Christ Over Virus, Infections and Disease. Higit na malakas si Hesus laban sa anumang uri ng virus. Kaya, sa gitna ng krisis na ito, lalo pa tayong kumapit sa Kanya. Tunay nating kaibigan si Hesus. Hindi N’ya tayo iiwanan, lalo na sa panahon ng ating pangangailangan. Makakaasa rin tayo kay Hesus. Hindi Siya paasa. Siya ang pag-asa.
PANALANGIN:
Panginoon, nawa’y lalo ka naming makilala habang kami’y tumutulong sa mga kababayan naming nawawalan na ng pag-asa. Amen.