EBANGHELYO: Juan 11:45-56
Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya. Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba’ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n’yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng diyos upang maging isa. Kaya mula sa araw na iyon, pinapasyahan nilang patayin siya… Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem.. upang malinis ang sarili. Kaya hinanap nila si Jesus… “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sem. John Christian Baxa ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Madalas kainggitan ang mga taong may magandang intension at bukal ang kalooban para tumulong sa kapwa. Kaya kung minsan, sila ang tampulan ng chismis at panlilibak. Sa Mabuting Balitang ating narinig, nainggit ang mga Pariseo kay Hesus. Natatakot kasi sila na unti-unting sumusunod kay Hesus ang mga tao. Saksi kasi sila sa kanyang mga pangangaral at mga himala. Kaya pinagplanuhan ng mga Pariseo na patayin si Hesus. Mgakapatid, sa pagpasok natin sa mga Mahal na Araw samahan natin si Hesus. Samahan natin siya sa kanyang pagpapakasakit na tanda ng kanyang wagas na pag-ibig para sa atin. Iwasan nating pairalin ang inggit at pagbabalak ng paggawa ng masama sa kapwa. Bagamat tayo’y makasalanan, hindi kailanman naisip ng Diyos na maghiganti sa atin. Pagpapatawad at wagas na pagmamahal ang Kanyang laging tugon sa atin. Amen.