EBANGHELYO: Juan 13:21-33, 36-38
Nabagabag sa kalooban si Jesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinangunan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “ Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos… Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon….Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin kung saan ako pupunta; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sayo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapanalig, naranasan mo na bang ipagkanulo o itatwa ng isang kaibigan? Ang sakit nu’n ano! Pero, higit ang pagdurusa ni Jesus dahil hindi pa nangyayari, alam na niya kung sino ang gagawa nito sa kanya. Kaya marahil sabi sa verse 21, “naligalig ang kanyang Espiritu”. Gayon pa man, hindi sya tumigil magmahal sa kanyang mga kaibigan na magkakanulo at magtatatwa sa kanya. Hanggang sa huling sandali ipinadama niya sa kanila ang kanyang pagmamahal. Mga kapanalig, ito ang isang malaking hamon sa atin ngayong Martes Santo: kung paano patuloy na magmahal kahit na nasasaktan, at magpatawad kahit sariwa pa ang sugat. Tunay na mahirap ito, pero kapag ating nagawa, magsisilbi tayong tanglaw sa karimlan at isang malinaw na patotoo na nananahan nga ang Diyos sa atin, dahil walang taong makagagawa nito kung hindi sa tulong ng Banal na Espiritu. Siya ang ating lakas at kaligtasan. Manalig tayo lagi sa kanya. Amen.