EBANGHELYO: Mateo 26:14-25
Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo? Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan n’yo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. TOTOONG KAIBIGAN KA BA?Hindi alipin ni Hesus ang labing-dalawang apostol. Sila’y itinuring ni Hesus bilang mga tunay na kaibigan. Isa si Hudas sa mga apostol ni Hesus. Pero, kilala rin natin siya bilang traydor. Ipinagbili niya ang kanyang kaibigang si Hesus sa halagang tatlumpung baryang pilak. Sa totoo lang, sa kanilang mga apostol mayroong posisyon si Hudas. Siya ang kanilang “ingat-yaman.” Alam nating hindi basta-basta ibinibigay ang tungkuling ito. Una’t higit sa lahat, sa gawaing ito, dapat TOTOO KA! Mga kapanalig, ngayon po ay tinatawag ding “Spy wednesday”. Ngayong araw ipinagkanulo ni Hudas si Hesus. Pagnilayan natin ito sa ating mga sarili: Totoong kaibigan ba ako ni Hesus? Sa tuwing nagkakasala tayo: paulit-ulit din natin siyang ipinagbibili. Sa tuwing tumatalikod tayo sa kanya: paulit-ulit natin siyang itinataboy. Sa tuwing nagpapadala tayo sa tukso: paulit-ulit natin siyang iniiwan. (Nakosensya si Hudas, ibinalik niya ang mga pilak. Pero, nadakip na si Hesus. Naramdaman niyang huli na ang lahat. Dahil sa takot, sama ng kanyang loob at kawalan ng pag-asa-winakasan niya ang kanyang buhay. Mga Kapanalig, Huwag sana tayong tumulad kay Hudas! Sa tuwing makakaramdam tayo ng pagsisisi, lagi nating tatandaan na may Diyos tayong babalikan. Amen)