EBANGHELYO:Juan 13:1-15
Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang tumawid sa mula sa mundong ito patungo sa Ama, at siya na nagmahal sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika,… at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya…Nang lumapit siya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya:… “Hinding-hindi mo kailanman huhugasan ang aking paa.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, hindi lamang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Mga paa lamang ang kailangang hugasan ng naligo na dahil malinis na ang buo niyang sarili. Malinis na nga kayo pero hindi lahat.” Alam ni Jesus ang magkaknulo sa kanya. … Kaya ng mahugasan niya ang kanilang mga paa,… bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila; “Nalalaman ba ninyo… kayo’y tumatawag sa aking ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ Tama ang pagsasabi n’yo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayun din naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. “Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin n’yo gaya ng ginawa ko sa inyo
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. “Action speaks louder than words”! Kung ano ang nakikita ng mga bata sa matatanda, madalas ginagaya nila. Sa Ebanghelyo ngayon, ipinakita ni Hesus ang tunay na paglilingkod, pagpapakumbaba at pagmamahal. Mahirap iwan ang mga mahal mo sa buhay. Mahirap din kay Hesus na iwan ang kanyang mga alagad. Pero inihanda Niya sila upang maging matatag sa Kanyang paglisan. Ang tunay na katatagan ay nagmumula sa kababaan ng loob. Ang tunay na lakas ay nasa paglilingkod. Kung nagpakita si Hesus ng pagmamahal sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga paa ng Kanyang mga alagad, hamon din ito sa atin na tularan Siya…kaya ba nating magpakumbaba? Kaya ba nating I give up ang ating pride sa ngalan ng pag-ibig at maayos na relasyon sa kapwa? Madalas, mahirap, pero kapag ginawa, mapagpalaya! Gagaan ang mabigat nating damdamin! Subukan mo, kapatid!