EBANGHELYO:Juan 18:1—19:42
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae na ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniin nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay niya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Meron bang kahulugan ang Krus ni Hesus sa buhay mo ngayon? Minsan narinig ko ang kwento ng isang bata na takot pumasok ng simbahan dahil sa nakikita nitong patay na Kristo na nakabayubay sa krus. Hindi kasi siya sanay na makakita ng patay, lalong-lalo na ng isang patay na sinasamba ng karamihan.// Sadyang nakakatakot ang larawan ng krus sa mata ng isang musmos na bata o sa taong hindi naniniwala. Kaya mahalaga ang pagkakaroon ng pananampalataya upang hindi tayo matakot sa Krus ni Hesus. Pananampalataya lamang ang magbubukas ng ating mga puso’t isipan para tanggapin na Diyos ang taong nakabayubay sa krus. Pananampalataya rin ang magbibigay inspirasyon para ating pagnilayan, unawain at pahalagahan ang ginawang sakripisyo ng Diyos sa krus para sa kaligtasan nating mga tao.// Mga kapanalig, sa araw na ito, pagmasdan natin ang Krus ni Hesus. Habang tayo’y nasa gitna pa rin ng matinding pagsubok sanhi ng COVID 19, lalo tayong manampalataya sa krus. Sa krus, buhay ang pag-ibig ng Diyos. Sa krus, nagtagumpay ang pag-ibig laban sa takot. Sa krus, nagwagi ang kabutihan sa kasamaan. Sa krus, nabigyang lunas ng awa ng Diyos ang mabilis kumalat na virus ng kasalanan. Kaya naman, ang krus na ito, mula sa pagiging simbolo ng matinding kaparusahan at kasamaan, nang dahil kay Hesus, nagiging natatanging tanda ng kabutihan at ng pagtubos ng sangkatauhan.//
PANALANGIN:
O Hesus, ngayong araw ng Biyernes Santo, bigyan po ninyo kami ng sapat na pananampalataya habang pinagmamasdan ang nakabayubay mong katawan sa krus, upang aming mapagtanto ang kadakilaan ng Iyong pag-ibig. Amen.