Daughters of Saint Paul

ABRIL 14, 2020 – MARTES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO:Juan 20:11-18

Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus.

Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?”  “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Na Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’”

Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Happy Easter sa ating lahat!// Meron ka bang hinahanap sa buhay mo ngayon? Marami ang makakarelate sa kalagayan ni Maria Magdalena sa ebanghelyo.Meron siyang hinahanap na mahalaga—ang nawawalang bangkay ng Panginoon. Sa gitna ng kanyang paghahanap, tumatangis si Maria Magdalena. Kaya hindi niya nakita ang mga anghel na nakikipag-usap sa kanya at hindi nito agad nakilala ang muling nabuhay na si Hesus.// Ganito rin ang pakiramdam ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at mga taong nawala ang hanapbuhay dahil sa health crisis na dulot ng COVID 19. Tumatangis habang naghahanap sa kawalan. Balisa dahil sa nakakatakot na sitwasyon at walang kasiguraduhang kinabukasan. Napupuno ng pighati ang mga kalooban dahil tila bagang nawawala ang Diyos.// Buong puso po akong nakikiramay at nagdarasal sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa COVID 19. Sa mga nawalan ng hanapbuhay, kapit lang mga kapanalig. Makakaraos din po kayo. Makakaasa rin po kayo sa aking mga panalangin para sa inyong mga intensyon sa aking mga misa. Naniniwala ako na sa gitna ng krisis na pinagdadaanan natin ngayon, panalangin ang magbubukas ng ating mga puso’t isipan upang mapagtanto na buhay ang Diyos at, sa laban na ito, lagi natin Siyang kasama. Panalangin din ang magbibigay inspirasyon sa atin na maging pag-asa sa mga higit na nangangailangan; na magsilbing konkretong kamay at paa ng Diyos sa mga naghihirap nating mga kababayan.//  

PANALANGIN:

Panginoon, nawa kami’y maging tugon sa panalangin ng mga kababayan namin na tumatangis at naghihirap sa panahon ngayon. Amen.