EBANGHELYO:Lucas 24:35-48
Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at nagsabi: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang pagaalinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na mayroonn ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama n’yo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Noong bata pa ako, lumaki ako sa character ni Superman na ang alam ko, sa kabila ng kanyang lakas, may kahinaan—ang kryptonite. Once na napapalapit siya rito, nagiging mahina, lantay na gulay… hinihigop ang kanyang lakas, at ang masaklap pa, maaaring ito ang kanyang ikamatay. Yes, malakas siya, pero may kahinaan. Sa Ebanghelyo ngayon, hindi ko masasabing kahinaan ang pinagdaanan ni Jesus – ang pagpapakasakit at pagkamatay. Ang pinagdaanan niyang ito ay tanda ng kanyang lakas! Lakas na magmahal. Lakas na kayang itaya ang buhay. Lakas na kayang ibigay ang lahat, kahit todo—todo na lubos, todo na buhos, todo na ubos. Sa teolohiya ang tawag dito ay Kenosis. Ang pagbibigay ng todong pagmamahal ng Diyos sa atin.
PANALANGIN:
Panginoon, marami po kayong pinagdaanan. Patawad po at ito ang inyong naranasan. Gayunpaman, salamat po dahil ang inyong pagmamahal sa amin ay todo. Amen.