Daughters of Saint Paul

ABRIL 20, 2020 – LUNES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 3:1-8

May isang lalaking kabilang sa mga Pariseo, Nicodemo ang pangalan niya pinuno siya ng mga Judio;  Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at sinabi sa kanya: “Rabbi, alam namin na guro ka galing sa Diyos. Sapagkat walang makakagawa ng mga tandang ginagawa mo, kung hindi sumasakanya ang Diyos.” Sumagot sa kanya si Jesus: Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Paano maisisilang ang isang taong matanda na? Di ba’t hindi siya makapapasok sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang uli? Sumagot si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa’yo, walang makapapasok sa Kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Laman ang isinilang mula sa laman, at Espiritu ang isinilang mula sa espiritu. Huwag kang magtaka dahil sa sinabi ko sayong kailangan kayong isilang mula sa itaas. “Umiihip ang hangin kung saan ito nais, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung san ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mabuhay ang Kristiyanismo! Sa taong 2021 ating ipagdiriwang ang ika-500 taon ng Kristiyanismo sa ating Bansang Pilipinas. Isa sa bibigyang diin ay ang sakramento ng Binyag. Binyag, ang unang sakramento. Madalas kapag sinasabing binyag, ang kalimitang nasa isip ay ang mabuhusan lamang ng tubig ang ulo… tubig lang ba talaga? Kulang! Ang pagbubuhos ay kasama din ang Espiritu Santo. Kaya nga may blessing of water munang ginagawa. Ang ginagawang blessing ay kasama ang paggalaw nito na sumasagisag na buhay ang tubig, living water. Mga kapatid, sa panahon ng Pasko ng Pagkubuhay, mahalaga na ang tubig ay galing sa pagdiriwang ng Easter Vigil. Sa misang iyon kasi, may pagbabasbas na nangyayari at binibigyang diin hindi lamang ang Muling Pagkabuhay ni Jesus kundi rin ang ating “Muling Pagkabuhay” kasama ni Kristo sa pamamagitan ng sakramento ng Binyag.  Marami pang pwedeng pag-nilayan sa Sakramento ng Binyag. Gayunpaman, pakatandaan natin, na ang sakramentong ito ay may kaakibat na misyon. Misyon na maging tulad ni Kristo na pari, hari at propeta. 

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan po ninyo akong maisabuhay ang aking mga pangako sa binyag na tatalikdan ko ang kasalanan at ikaw lamang ang aking sinasampalatayanan. Amen.