Daughters of Saint Paul

ABRIL 24, 2020 – BIYERNES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 6:1-15

Nagpunta si Jesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit… Kaya pagkatingala ni Jesus, nakita niyang maraming taong pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito? Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” …Sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Jesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Jesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Bro. Mark Puyong ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa ebanghelyong ating narinig, dalawa ang naging tugon sa problemang haharapin tungkol sa pagpapakain ng limang-libong tao. Una, mula sa reaksyon ni Felipe, “Saan tayo makakabili ng pagkain para pakainin ang mga taong ito?” Ang tugon na ito’y maaring sumasalamin sa mga taong nakatuon lamang sa pisikal na kagutuman. Pangalawa, ang kababaang loob ng isang batang inialay ang dala niyang limang tinapay at dalawang isda, na malugod namang tinanggap ni Hesus./  Ang tugon na ito’y nagpapakita ng buong-pusong paghahandog, bagamat kakarampot, pero bukal sa puso. Kapatid, saan ka napapabilang sa dalawa?/  Nais bigyang diin ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon, na ang milagro ng pagparami ng tinapay ay ‘di lang para tugunan ang pisikal na pangangailangan. Kalooban niya rin na punan ang gutom ng bawat kaluluwa.  Ito’y kuwento, ‘di lamang tungkol sa pagkabusog ng mga kumakalam na tiyan, kundi kuwento ng kasiyahan at grasyang kaloob ni Hesus, bilang “Tinapay ng Buhay”, para sa lahat ng handang tumatanggap sa Kanya. Amen.