EBANGHELYO: Juan 6:35-40
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Subalit sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. “Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. “Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng akingAma: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Pinaniniwalaan ko na si Hesus ang mukha ng Diyos Ama. Sa pamamagitan Niya ang lahat ay nagkaroon ng katuparan. Nanumbalik ang magandang relasyon ng tao sa Diyos, matapos itong masira ng ating mga unang magulang. Ano ang nakapagpasira ng relasyon? Ang hangarin na maging Diyos din ang tao. Magkaroon ng dunong na tulad ng sa Diyos. Pagiging makasarili! Pansin po ba natin na sa isang relasyon, kapag ang inisip ay pansariling kapakanan, madalas, nasisira ang relasyon. Ang hindi rin pagtanggap ng kamalian at pagiging mataas ay tunay na sisira sa isang ralasyon. Marahil karanasan natin o naranasan natin ang hirap magpatawad, lalo na kung hindi naman humihingi ng tawad ang nagkasala sa iyo. Bilang tao, may kahinaan tayong gumanti sa taong nakasakit sa atin. Pero kung iisiping mabuti ang halimbawa ni Hesus, mapapahiya tayo. Kay Hesus, walang puwang ang paghihiganti. Ito po ang iniyakan ko ng maraming gabi… Meron kase po akong karanasan na sa mahabang panahon ng paghihirap at sakripisyo, at may pagkakataon na akong gumanti sa nakasakit sa akin, naku po! Ang sarap gumanti! Pero alam nyo po ba na sa isang gabi na ako ay umiiyak dahil gusto kung gumanti? Parang ibinulong sa akin ni Hesus na ganito, ‘Edith, gusto mo bang tawagin kitang kaibigan’? Lalo po akong umiyak, dahil alam nyo po ang damdamin ng nagtatalong puso at isip? Sa huli, ang pagpapatawad ang aking ginawa. Sa ginawa ko, ako mismo ang nakatanggap ng malaking biyaya. Salamat sa karanasan, salamat sa pagmamahal ng Diyos, salamat sa Kanyang biyaya. Amen.