EBANGHELYO: Juan 6:44-51
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: ‘tuturuan nga silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. “Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang-hanggan ang naniniwala sa akin. “Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Bro. John Christian Baxa ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Pagkagutom ang pangunahing problema ng mga kapatid nating kapus-palad. Hindi sila nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Bagamat marami ang pisikal na nagugutom, marami din ang uhaw sa kalinga’t pagmamahal. Gutom at salat sila sa pag-aaruga ng Diyos. Sa Mabuting Balita, sinabi ni Hesus na Siya ang Tinapay ng Buhay. Si Hesus ang ating naririnig sa tuwing ipinapahayag ang Salita ng Diyos. Siya ang tinatanggap natin sa Banal na Komunyon, sa tuwing dumadalo tayo sa Banal na Misa, na siyang nagbibigay lakas at kabusugan sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng pakikinig ng mga Salita ng Diyos at pagtanggap ng Banal na Komunyon, naiibsan ang pagkagutom at pagkauhaw ng ating kaluluwa, at matibay na pananampalataya ang ating nararanasan. Si Hesus bilang Tinapay ng Buhay ang ating sandigan laban sa kapighatian at pagdurusa. Siya ang siguradong makakapitan sa oras ng ating pangangailangan. Sabi nga, “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salita na namumutawi sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:3-4)./ Kaya mga kapatid, sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon, huwag natin sayangin ang pagkakataong tanggapin ang Tinapay ng Buhay na walang iba kundi si Hesus. Siyang nagpapabanal at nagpapadalisay sa ating lahat, sa ating buhay at pananampalataya. Amen.
