Daughters of Saint Paul

MAY 11, 2020 – LUNES SA IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 14:21-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.” Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at itututro niya sa inyo ang lahat at ipapaalala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Noong nasa high school pa lamang ako, napapansin ng tatay na may lalaking madalas dumaraan sa bahay namin, naka bisekleta. Tinanong ako ng tatay kung kaklase ko ang lalaking yon, sabi ko ay “Opo”. Tinanong ako ng tatay kung nanliligaw yon sa akin. Sabi ko po ay, “hala, ang tatay, madalas lang dumaan dito, ligaw agad?” Pangaral ng tatay na kung may manliligaw ay dapat kilalanin ang pamilya na pinanggalingan ng tao. Naisip ko na mahalaga pala ang pinagmulan ng isang tao. Bagamat may sariling kakayahan ang tao na magpasya, para sa kanyang sarili, mabuti o hindi maayos na pamilya sa pamantayan ng tao ang pinagmulan. Sa Ebanghelyongayon, ipinahayag ni Jesus ang kanyang pinagmulan, na mahalaga ang pagsasakatuparan ng salita at pagmamahal sa Ama. Ang pagmamahal ni Jesus sa Ama ang nag-udyok sa kanya upang maisakatuparan ang plano ng Diyos. Ang pagyakap sa Krus ang daan ng kaligtasan ng tao. Maranasan nawa natin ang personal na pag-ibig kay Jesus upang mabigyan tayo ng lakas sa lahat ng bagay. Dahil sa pag-ibig nakakayanan ang lahat ng bagay, sa pag-ibig nalalampasan ang lahat ng pagsubok sa buhay. Pag-ibig sa puso ang tutulong sa atin na malampasan ang pandemic na ito sa buong mundo. Amen. Amen.