EBANGHELYO: Juan 14:27-31
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako subalit pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama. “Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Natatakot ka ba sa mga sandaling ito? Maraming tao sa ngayon ang nabubuhay sa takot. Natatakot sa walang kasiguraduhang kinabukasan; natatakot na mahawa ng isang malubhang sakit; natatakot mawalan ng hanapbuhay; natatakot magutom ang pamilya, natatakot sa giyera, natatakot mamatay. Mga kapanalig, parang isang virus lang din ang takot. Hindi natin nakikita pero matindi ang epekto nito sa ating mga tao: mabilis kung makahawa at, kapag ipinagwalang bahala, marami ang mamamatay. Sa madaling salita, kayang kontrolin at sirain ng takot ang ating buhay.// Kaya naman mabuting balita ang paalala ni Hesus sa araw na ito. Kung ating pagtutu-unan ng pansin at ipagdadasal ang Kanyang salita, magsisilbi itong panlaban at proteksyon natin sa takot. “Kapayapaan ang aking iniiwan sa inyo; kapayapaan ko ang aking ipinagkakaloob sa inyo…Huwag sanang maligalig ang inyong puso, huwag mangamba.”// Mga kapanalig, kapayapaan ang natatanging gamot laban sa takot. Nagiging malakas ang ating kalooban kung kapayapaan ng Panginoon ang namamayani sa ating mga puso’t isipan. Mararanasan lamang natin ito kung patuloy tayong manalig kay Hesus, ang buhay na Diyos at ang Prinsipe ng Kapayapaan. Karamay natin Siya sa gitna ng nakakatakot na sitwasyon. Higit sa lahat, kung patuloy tayong magtitiwala sa kapayapaang handog ni Hesus, makakaasa tayo na kahit sa walang kasiguraduhang kinabukasa’y kasama pa rin natin ang Diyos.//
PANALANGIN:
Panginoon, matanggap at mapagkatiwalaan nawa namin ang handog mong kapayapaan. Nang sa gayo’y mamumuhay pa rin kami ng ganap sa kabila ng walang kasiguraduhang hinaharap. Amen.