EBANGHELYO: Mt 6:7-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
“Kaya ganito kayo manalangin:
Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo,
dumating ang kaharian mo,
sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,
patawarin mo ang aming mga pagkakautang
gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.
Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama.” “Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
PAGNINILAY:
Paano ba tayo manalangin? Madalas katulad din tayo ng mga pagano, tayo lang ang salita nang salita. Madalas din puro kahilingan ang nilalaman ng ating dasal. At bibihira tayong maglaan ng panahong manahimik para makinig sa sinasabi ng Diyos sa kaibuturan ng ating puso. Di ba ang panalangin pakikipag-usap sa Diyos? At katulad ng ating karaniwang pakikipag-usap, may nagaganap na palitan ng komunikasyon sa pagitan natin at ng ating kausap. Ganito din dapat ang mangyari sa tuwing tayo’y nananalangin; may panahon tayong magsalita at naglalaan din tayo ng panahong makinig. Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyong ating narinig na nalalaman na ng Diyos ang ating sasabihin bago pa man tayo magsalita. Nalalaman na Niya ang ating pangangailangan at ang taimtim na hangarin ng ating puso. Kaya tinuturuan Niya tayo ngayon ng isang panalanging tunay na kalugod-lugod sa Ama, ang Ama Namin. Nahahati sa dalawang bahagi ang panalanging ito. Ang una’y pagsamba at papuri sa Ama at ang ikalawa’y mga kahilingan para sa ating temporal at espiritwal na pangangailangan. Dinagdag pa ng Panginoon ang kahalagahan ng pagpapatawad sa lahat ng nagkasala sa atin. Sa tuwing dinarasal natin ang Ama Namin, naipararating na natin sa Ama ang ating papuri at pasasalamat, ganundin din ang ating mga pangangailangan. Dasalin natin ng taimtim at taos-puso ang panalanging ito. At magtiwala tayong diringgin ng Diyos ang ating pagsamo.