Daughters of Saint Paul

HULYO 14, 2020 – MARTES SA IKA-15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 11:20 –24

Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling n’yo, nagsisi sana silang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, narito pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Bilang panganay na anak, nakalakihan ko na ang ganitong linya ng nanay ko, “O dahil ikaw ang nakatatanda, ikaw ang umunawa sa nakababata”. Nakakainis nga minsan eh, pero higit nga marahil ang expectations sa isang panganay at nakatatanda. Sa palagay ko, ganito rin ang inaasahan ni Jesus sa mga bayang nadalaw na Niya. Nasaksihan nila ang mga himalang ginawa niya subalit nanatili silang bulag sa biyaya ng Diyos na hatid nito. Nanatiling matigas ang kanilang mga puso. Kung ihahambing sa ibang lugar na hindi pa nakasaksi sa mga himala ni Jesus, mas malaki ang expectations ni Jesus sa kanila na tumugon sa tawag ng pagbabalik-loob at pananampalataya. Alam nyo mga kapanalig, ito ang pinangangambahan kong mangyari sa buhay ko. Ayokong dumating ang araw na sasabihan din ako ni Jesus, “Sawimpalad ka, Lourdes dahil kung sa iba ko ginawa ang mga himalang ginawa ko sa buhay mo, baka matagal na silang naging mga banal.” Kaya naman sinisikap kong mabuhay nang maayos kahit mahirap dahil meron din naman akong mga kahinaan. Sinisikap ko ring tumugon sa mga biyayang ipinagkakaloob sa akin ng Diyos maging nauukol man ito sa pagpapalago ng aking kaisipan, kakayahan at buhay espiritwal. Ikaw kapanalig, wala ka bang sinasayang na oportunidad at biyaya mula sa Diyos?