Daughters of Saint Paul

HULYO 23, 2020 – HUWEBES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAO

EBANGHELYO : Mt 13:10–17

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinghaga ka nagsasalita sa kanila?”  Sumagot si Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng Kaharian ng Langit ngunit hindi sa kanila. Sapagkat bibigyan pa ang meron na at sasagana pa siya. Ngunit kung wala siya, aagawin kahit na ang nasa kanya. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinghaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakauunawa. Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: ‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakauunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita. Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tenga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tenga at makaunawa ang kanilang puso upang bumalik sila at pagalingin ko sila.’ Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tenga na nakaririnig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita n’yo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Malaking hamon sa mga alagad ni Jesus ang Ebanghelyong ating narinig. Bakit? Dahil tahasan at tuwiran ang pananalita ni Jesus sa kanila. Hindi nagsasalita si Jesus sa kanila, tulad ng ginagawa Niya sa kanyang pangangaral sa publiko. Mahalaga sa pagsunod kay Jesus ang hindi lamang makinig at makita ang kanyang ginagawa, mahalaga din na buksan nila ang kanilang mga puso sa mga pangaral ni Jesus. Hindi lahat ng ating nakikita at naririnig sa pangaral ni Jesus ay ating mauunawaan kung wala namang kabukasan ang ating mga puso. Sa pagsunod kay Jesus, marapat na kilalanin siya hindi lamang sa panlabas na anyo at pagtingin sa kanya, mahalaga ang pagpapalalim ng pang- unawa sa kanyang mga Salita. Mga kapatid, hingin natin ang liwanag ng Banal na Espiritu Santo. Harinawang mabuksan ang ating mga puso, hindi lamang ang ating mga mata at tenga upang maunawaan ang kanyang mga salita, upang maipamahagi natin ang mabuting balita ng Panginoon. Tayo ngayon ang inaasahang magbabahagi ng pag-ibig ng Diyos sa ating kapwa. Gaano ka kahandang tumugon?  Pagpalain tayo ng Panginoon. Amen.