EBANGHELYO : Jn 11:19-27
Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria upang makiramay sa kanila dahil sa pagyao ng kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hilingin mo sa Diyos, ibibigay ito sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sumagot sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako ang muling pagkabuhay (at ang buhay). Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya: “Opo, Opo Panginoon. Naniniwala nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na dumarating sa mundo.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Mr. Edwin Valles ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Kahit nanatili ang pananampalataya ni Marta kay Hesus, sa kabila ng pagkamatay ng kanyang kapatid na si Lazaro, ginabayan pa rin siya ni Hesus upang ito’y palalimin at pag-ibayuhin. Sa simula, nakabase ito sa nakaraan, nung buhay pa si Lazaro. Sunod dito, binase niya iyon sa darating na muling pagkabuhay sa huling araw. Sa sitwasyong iyon, inanyayahan siya ni Hesus na manampalataya sa ngayon na, sa kasalukuyang dalamhati na kanyang dinaranas. Sa paanyayang iyon ni Hesus, napabigkas si Marta ng kanyang buong-buong pananampalataya na si Hesus ay ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo. Ang pananampalatayang ito ay narito na at ngayon na. Mga kapatid, bahagi po ako ng Courage, ang apostolado ng Simbahang Katolika para sa mga taong nakakaranas ng atraksyon sa kapwa kasarian. Ngayong araw po ang aming ika dalawamput-limang anibersaryo. Sa aming apostolado, nakikita namin na hindi mahalaga sa Panginoon ang aming nakaraan. Ang mahalaga ay ang Kanyang presensya na gumagalaw at gumagabay sa aming buhay ngayon patungo sa kinabukasan. Dahil dito, nabubuo ang aming pag-asa at lubos na nananampalataya na Buhay ang Panginoon sa ating lahat!