Daughters of Saint Paul

AGOSTO 1, 2020 – SABADO SA IKA-17 LINGGO NG TAON | San Alfonso Maria Liguorio, Obispo at pantas ng Simbahan

EBANGHELYO: MT 14:1-12

Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya magkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Jesus.

PAGNINILAY:

Mga kapatid, ilan ba sa atin ang mabilis mangako, sa pagnanais nating pasiyahin ang taong pinangakuan?  Ilan sa atin ang nangangako sa harap ng maraming tao para magpasikat o magpakitang gilas?  At ilan ang nakompromiso ang paninindigan sa pagnanais nating tupdin ang pangakong binitawan?  Ito ang naging karanasan ni Haring Herodes sa Ebanghelyo ngayon.  Para maligtas sa kahihiyan ang sarili, dahil sa pagbitiw niya ng pangako sa harap ng maraming tao – isinakripisyo niya ang buhay ni Juan Bautista.  Bagamat nasaktan siya sa hiniling ng anak ni Herodias, pinapugutan pa rin niya ng ulo si Juan sa kulungan dahil lamang nakapagbitiw siya ng salita sa harapan ng kanyang mga panauhin. Mga kapatid, maraming tao ang nasisira dahil sa mga maling pangako na hindi pinag-isipan ng mabuti. May mga tao na dahil nasaktan ng kaibigan, pinutol ang kanilang ugnayan sa mahabang panahon. Maging aral nawa ito sa atin na huwag maging padalus-dalos sa pagbitiw ng pangako. Para makaiwas tayong makasakit ng damdamin ng ating kapwa, pag-isipang mabuti ang mga salitang sasabihin. Nawa ang mga salitang mamumutawi sa labi natin, mga salitang nagpapalakas ng loob sa halip na nagpapahina; nagbibigay ng liwanag sa halip na nagpapalabo; at nagpapagaling sa halip na nagdudulot ng sakit at sama ng loob.