Daughters of Saint Paul

AGOSTO 3, 2020 – LUNES SA IKA-18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mt 14:22-36

Pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?” Nang makasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  In fairness kay Pedro, ang takot ay emosyon na hindi napipigil at kusang nararamdaman. Kaya naman siguro hindi natin siya masisi nung matakot siya sa nakita niya ang tila multo na naglalakad sa tubig na si Jesus pala. At sa pangalawang beses nung maramdaman niya ang malakas na hampas ng hangin nung siya na mismo ang pinalakad ni Jesus sa tubig. Dito pinapakita na ang pananampalataya ay hindi lang base sa emosyon o ayon sa nararamdaman natin. Ito ay pinagdedesisyunang piliin kahit na nakakaramdam tayo ng takot at hindi lang sa tuwing may patunay ang Diyos sa atin. Ang totoong pananampalataya, kayang mag-adjust sa kahit anong situwasyon… hindi ito natitinag at walang pag-aalinlangang nagtitiwala kay Jesus. Kasama natin siya at kahit kailan, hindi tayo binibitawan lalo na sa paghihirap o unos ng buhay. Katulad ng kanyang pagmamahal, hindi nga ba’t buo ring pinag-desisyunan ni Jesus na ialay ang kanyang buhay para sa ating kaligtasan? Mga kapatid, inaanyayahan tayo ngayon ni Jesus na muling abutin ang kanyang kamay, at ituon ang atensiyon sa kanya… hindi man para pigilin ang hampas ng unos ng buhay sa atin, kundi para buong tiwalang kumapit sa kanya. Sabi nga niya, “Lakasan nyo ang loob; ako ito, huwag kayong matakot.” Kay Jesus, lagi tayong ligtas at makakamtan ang kapayapaang walang hanggan.