EBANGHELYO: Mt 15:21-28
Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul. Dati panay babae lamang ang pangalan ng mga bagyo rito sa Pilipinas at ayon sa nanay ko, pabago-bago raw kasi ang isip ng mga babae. Parang bagyo, nagbabago ang direksyon ng hangin. Ngayon, may mga bagyo na lalaki na ang pangalan, marahil napagtanto na ng PAG-ASA na meron din palang mga lalaki na pabago bago ang isip. Sa ating Mabuting Balita ngayon, narinig natin na sa una, hindi pansin ni Jesus ang hinaing ng babaeng pagano. Tipikal sa isang Hudyo na gaya ni Jesus na huwag makihalubilo sa mga hindi nila kauri lalo sa mga lahing tinagurian nilang marumi o impure, gaya ng babaeng ito. Pero, dahil sa pagpupursigi ng babae na may kasamang kapakumbabaan, ibinigay ni Jesus ang kanyang kahilingan. Mga kapanalig, matuto tayo sa babaeng ito. Alam niyang hindi siya karapat-dapat, pero hindi yon naging hadlang upang lumapit siya kay Jesus. Hindi kailanman bibiguin ng Diyos ang panalanging puno ng kapakumbabaan. Kung dininig niya ang hinaing ng isang pagano, tayo pa kaya na sumasampalataya sa kanya? Manalig tayo at magtiwala sa Diyos. Ibibigay nya ang ating mga kahilingang makabubuti sa atin. Patuloy nating hingin sa Diyos na iadya tayo sa lahat ng kapahamakang dala ng pandemyang ito.