Daughters of Saint Paul

AGOSTO 8, 2020 – SABADO SA IKA-18 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 17:14-20

Lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.” Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling n’yo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon. Pagkatapos ay nilapitan ng mga alagad si Jesus, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu? Bakit nga kaya?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat kakaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sana sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Ronel delos Reyes ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa gitna ng pandemyang dinaranas natin ngayon, hindi natin maiiwasan na mag tanong ng “Bakit?” Bakit wala pa ring mahanap na lunas? Bakit ito nangyayari?  Sa ating Ebanghelyo halos pareho ang katanungang ating maririnig “Bakit?” Bakit hindi gumaling ang bata mula sa kanyang sakit kahit dinala na ito sa mga disipulo ni Hesus? At ang sagot ni Hesus: “dahil sa iyong maliit na pananampalataya.” Mga kapatid, maganda rin sigurong pagnilayan natin ito, upang makasumpong tayo ng sagot sa ating mga “Bakit?” Suriin natin ang ating pananampalataya kay Hesus. Matatag pa ba? Okay pa ba? Kaya pa ba pagalawin o suungin ng ating pananampalataya ang matatarik na bundok ng ating mga suliranin at pagdurusa? Sa kasalukuyan, halos lahat tayo ay nag hahangad na sana ay gumaling na ang ating mga kapatid na tinamaan ng COVID-19. Kaya naman, patuloy tayong dumulog sa Diyos upang tulad ng bata sa ebanghelyo, mabigyan niya tayo ng grasya ng paghilom. Dahil sabi nga ni Hesus, kahit ang pananampalataya nati’y kasing liit ng butil ng mustasa walang hindi mapangyayari dahil walang imposible sa Diyos.