EBANGHELYO: Mt 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya’t sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may isa pang ikalawa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
PAGNINILAY:
Malinaw ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon – hindi maaaring paghiwalayin ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Dahil ang ating kapwa ang buhay na larawan ng Diyos sa ating piling. Totoong, hindi natin nakikita ang pisikal na anyo ng Diyos! Pero nakikita at nararamdaman natin ang Kanyang buhay na presensya sa pamamagitan ng mabubuting tao na ating nakakasalamuha – lalo na ang mga taong mapagmahal, mapagpatawad, matulungin,at tunay na may malasakit sa kapakanan ng kanyang kapwa. Ngayon, tanungin natin ang ating sarili, ganito ba tayo sa ating kapwa? Kapag nakita ba nila tayo’t nakasama, masasabi nilang tunay ngang may Diyos! Damang-dama ko ang presensya ng Diyos dahil sa kabutihan ng taong ito. Mga kapatid, ito ang pang-araw-araw na panawagan sa atin bilang mga binyagang Katolikong Kristiyano. Ang maging alter Christus o isa pang Kristo na nagmamahal, nagpapatawad at nag-aalay ng sarili para sa higit na ikabubuti ng iba. Tayo ngayon ang mga kamay at paa ng Panginoong Jesus na magpapatuloy sa magaganda Niyang simulain. Lalo na ngayong panahon ng pandemya na maraming tao ang nahihirapan at nangangailangan. Yes, we are all in this together… pare-parehas tayong nakararanas ng kahirapan … dahil buong mundo ang apektado ng pandemyang ito. Marahil ang iba sa inyo, nagtatanong, paano ako tutulong sa iba gayong meron din akong pangangailangan? Paano ako magiging Kristo sa kapwang pinanghihinaan na ng loob at nawawalan na ng pag-asa, gayong ako din naman ay nakararanas ng kawalan ng pag-asa? Mga kapatid, ito ang pinaka-best time, na maipadama natin sa kapwa na buhay ang Diyos. Sa ating pamumuhay ng simple, upang makapagbigay buhay sa iba; sa matiyaga nating pakikinig sa hinaing ng mga nawawalan ng pag-asa, sa pag post natin ng words of hope and encouragement sa social media, at higit sa lahat, sa pagdarasal natin sa lahat ng tao ngayong panahon ng pandemya – ang ilan lamang konretong paraan ng pagpadama natin sa kapwa na buhay ang Diyos. Pero hindi natin ito magagawa kung hindi naka-charge ang ating love tank, na tanging ang Panginoong Jesus lamang ang makapupuno sa ating araw-araw na pananalangin.