Daughters of Saint Paul

AGOSTO 22, 2020 – SABADO SA IKA-20 LINGGO NG TAON | Paggunita sa Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria

EBANGHELYO: Lk 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?”  “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Cleric John Christian Baxa ng Society of St. Paul. “Reyna ng Langit, Magalak Ka Alleluia”. Ito ang una nating sinasambit kapag dinarasal natin ang Regina Coeli tuwing panahon ng Muling Pagkabuhay. (Ngayong araw, ginugunita ng ating simbahan ang kapiyestahan ng pagpuputong ng korona sa Mahal na Birheng Maria, bilang reyna ng langit at lupa.) Niloob ng Diyos na maging ina ng Panginoong Hesukristo ang ating Mahal na Inang Maria. Ang kanyang simpleng pagsang-ayon ay napakahalagang tagpo sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Nararapat na parangalan ng bawat Kristiyano ang Mahal na Birheng Maria bilang isang Reyna, dahil sa kanyang misyon na maging ina ng ating Panginoong Hesukristo. Namumukod tangi siyang Reyna sa lahat ng mga reyna, dahil hindi siya yung tipong makapangyarihan o political queen. Ang kanyang pagiging Reyna ay sa paraan ng kanyang maka-inang pagkandili sa ating lahat, at gumagabay upang lalo tayong mapalapit sa ating Panginoong Hesukristo. Patuloy nawa tayong mamalagi sa pagkandili ng ating Mahal na Birheng Maria na siyang nagpaparanas ng maka-inang pagmamahal sa ating lahat.