EBANGHELYO: Mt 16:13-20
Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad:” Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing pong si Juan Bautista kayo; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” ’Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag sayo nito kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Mesiyas.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa Katedral ng Roma, sa sahig malapit sa main altar ay nakasulat sa salitang latin ang tinatawag na confession of St. Peter. “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” At sinabi ni Jesus kay Simon Pedro na mismong ang Diyos Amang nasa langit ang nagbunyag nito sa kanya. Sa aking pagninilay, mismong ang Diyos Ama sa pamamagitan ni San Pedro ang nagpatibay ng katotohanan na si Jesus ay tunay Niyang anak, galing sa langit. Mahigit nang dalawang libong taon ang nakakaraan at makikita nating buhay at nakatayo ang Simbahang itinatag ni Jesus. Bakit? dahil mismong si Jesus ang nagtatag nito at walang anumang bagay, sitwasyon at pangyayari ang makakabuwag nito. Si Simon Pedro, mahina at isang ordinaryong mangingisda lamang noong mga panahon ni Jesus ang siyang naging batong sandigan ng Iglesya ni Jesus. Pinatunayan lamang dito na sa kabila ng kahinaan ng tao, kung siya ay pasasakop sa kapangyarihan ng Diyos, tunay na magiging malakas at matatag ito. Manatili tayong nagpapasakop sa kapangyarihan ng Diyos upang ang ating kahinaan sa tulong at awa ng Diyos ay ating maging kalakasan. Pagpalain tayong lahat ng Panginoon. Amen.