Daughters of Saint Paul

AGOSTO 24, 2020 – LUNES SA IKA-21 LINGGO NG TAON Kapistahan ni San Bartolome, Apostol

EBANGHELYO: Jn 1:45-51

Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinutukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” “May mabuti bang galing sa Nazaret?” “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Jesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Pano mo ako nakilala?” “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Jeuglen Legitimas ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Karaniwan nang eksena sa online shopping ang mga discounted na products. Sobrang convincing di ba? Kaya’t minsan mapapabili ka talaga. Sa ebanghelyo natin ngayon, minsan niyaya ni Felipe si Natanael o Bartolome upang makilala niya ang sinasabing Mesiyas, si Hesus na taga-Narazet. Pero nag-alinlangan si Bartolome dahil alam niya na ang totoong Mesiyas ay magmumula sa Bethlehem at ‘di sa Nazaret. Ano lang ba naman ang liblib na bayan na ito? Natagpuan ni Hesus si Bartolome sa ilalim ng puno ng igos bago pa sila magkita. Para sa mga Hudio, ang puno ng igos ay simbolo ng kapayapaan. Noong magkausap na sila ni Hesus, at marinig ang kanyang mga salita, naniwala si Bartolome na si Hesus nga ang Mesiyas. Ang presensya ni Hesus ay sapat na upang mapawi ang pagdududa ni Bartolome. Mga kapatid, sa panahon ng pandemya, samu’t saring mga bagay-bagay ang nagsulputan upang mahikayat tayo tungo sa nga bagay na walang kasiguruhan. Magandang pagnilayan ano ba nagbibigay kapayapaan sa ating puso’t isip ngayon? Nawa sa pamamagitan ng ating mga dasal magabayan tayo patungo sa kapayapaang hatid ng Panginoong Hesus.