Daughters of Saint Paul

AGOSTO 26, 2020 – MIYERKULES SA IKA-21 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 23:27-32

At sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas subalit puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal subalit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana sumang-ayon na patayin ang mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa Mga Propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Cleric Mark Anthony Puyong ng Society of St. Paul.  Maaring madalas natin naririnig ang mga salitang “mapagkunwari” at “mapagpanggap” mula sa mga taong dinaya’t niloko ng iba. Bukod sa galit, batid mo din sa mga salitang ito ang lungkot at awa, hindi lamang para sa mga nabiktima kundi pati na rin sa mismong taong nanlilinlang.  Sa narinig nating ebanghelyo, binigyang aral ni Hesus ang mga Eskriba at Pariseo dahil sa kanilang maling pag-unawa ng Batas bilang mananampalataya ni Yaweh. Sa kapanahunan ni Hesus ang mga Escriba at Pariseo ay mga taong mas naniniwala sa kaligtasang dala ng lubusang pagsunod at pagganap ng mga nakahaing batas at mga alintuntunin nito. Pero, ang pagsunod nila ay puro “pagkukunwari” at “pagpapanggap”, hindi nila ito isinasabuhay.  Mga kapatid, sa panahon natin ngayon kung saan bawat isa ay may takot dahil sa “COVID-19 PANDEMIC”, inaanyayahan tayo ni Hesus na maging tapat at totoo sa ating pagganap at pagsunod bilang mananampalataya. Ang ating mga kilos, ang pagganap, at pagsunod ay huwag nawa sanang isang pagkukunwari. Dahil, kung totoo at tapat tayong taga-sunod ni Hesus, ang ating pamumuhay ay isang pagpupuri sa Diyos.