EBANGHELYO: Lk 7:36-50
Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya kaya pumasok s’ya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. …Nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Tumayo s’ya sa likuran, sa may paanan ni Jesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Jesus at pinunasan n’ya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong kumumbida, naisip nito: “Kung Propeta ang taong ito, malalaman n’ya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya—isa ngang makasalanan!” Ngunit nagsalita sa kanya si Jesus: …“May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. Ngunit wala silang maibayad, kaya kapwa n’ya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?” “Sa palagay ko’y ang pinatawad n’ya ng mas malaki.” “Tama ang hatol mo.” At paglingon n’ya sa babae, sinabi n’ya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking paa ngunit binasa n’ya ng kanyang luha ang aking paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok s’ya’y wala nang tigil ang kahahalik n’ya sa aking mga paa. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami n’yang kasalanan dahil nagmahal s’ya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang ng kaunti ang pinatatawad ng kaunti.” …
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. Jk Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Nakikita mo ba ang sarili mo sa karakter ng babae sa ating Mabuting Balita ngayon? Ang lakas ng loob ng babae na ito na lapitan si Hesus. Tila bagang kampante siya sa pagkatao ng ating Panginoon; na ito’y isang banal at mabuting guro na nakakikita ng tunay na kalooban ng tao. Kaya nagulat ang mga saksi sa ginawa ng babae na pagpahid ng pabango at paghalik sa mga paa ni Hesus. Kaagad naman naantig ang puso Hesus sa mga pangyayari. Hindi siya manhid. Naririnig ng Panginoon ang ating mga hinaing at paghingi ng tulong sa Kanya. Sa Mabuting Balita, alam ni Hesus na ang pinanghugas sa kanyang mga paa’y mga luha ng pagpapakumbaba at pagsisisi. Kaya naman, kahit na hindi hiningi ng babae ang kapatawaran, nakamit pa rin niya ito./ Kapanalig, sana hindi ikaw ang Pariseo sa Mabuting Balita ngayon. Hindi siya naantig sa presensya ni Hesus. Nakuha pang husgahan nito ang kapwa sa halip na tingnan ang sariling abang kalagayan sa harap ng kabanalan ni Hesus. Sa huli’y mas kawawa ang Pariseo kaysa sa babaeng nagsisi sa kanyang kasalanan. Tandaan nawa natin mga kapatid na kung walang pag-amin ng kasalanan, wala ring kapatawaran na mangyayari sa atin./
PANALANGIN:
Panginoon, bigyan mo po ako ng mapagpakumbabang puso nang makita ko ang aking tunay na sarili, upang sa gayon, hindi ako magiging mapanghusga sa kapwa. Amen.