EBANGHELYO: Lk 8:1-3:
Naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang Kaharian ng Diyos. Kasama n’ya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia, Jr., Director ng Biblical apostolate ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Kasama sa mga unang naging malapit na tagasunod ni Hesus ay mga kababaihan: sina Maria Magdalena, Juana, Susana at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Bagamat sa Ebanghelyo ni San Lukas lamang nabanggit ang kanilang pangalan, tiyak akong lagi silang kasama ni Hesus/ at naging saksi din sila sa maraming ginawa niya/ at napakinggan nila ang kanyang mga turo. Sila ay tunay na mga alagad ni Hesus.// Sa kanyang Apostolic Exhortation na “Gaudete et exsultate” naglaan ng ilang talata si Pope Francis/ sa konseptong tinagurian niyang “feminine genius”. Sa larangan ng kabanalan, sabi ng Santo Papa, nararapat lamang na bigyang pansin/ ang mga katangiang taglay ng mga kababaihan/ na sumasalamin sa kabanalan ng Diyos sa mundo. Maraming kababaihan sa kasaysayan ang pinuspos ng Espiritu Santo/ upang bigyan ng bagong sigla ang Simbahan sa mga panahong nangangailangan ito ng pagbabago oreform. Sina St. Hildegard of Bingen, St. Bridget, St. Catherine of Siena, St. Teresa of Avila at St. Therese of Lisieux ay ilan lamang sa mga babaing banal/ na nagdulot ng maraming kabutihan sa kasaysayan ng Simbahan. At huwag din daw dapat kalimutan, sabi ni Pope Francis, ang maraming kababaihang tahimik na gumagawa ng kabutihan at namumuhay sa kabanalan kahit hindi napapansin ng lipunan: ang mga lola, mga nanay, mga ate at maraming pang babaeng kahangahanga sa kanilang pagsaksi sa pag-ibig ng Diyos.// Tinatawag ang lahat sa kabanalan. Tinatawag ang lahat na maging taga-sunod ni Hesus. Tumugon nawa tayo tulad nina Maria Magdalena, Juana, Susana at ng marami pang ibang sumunod sa yapak ng Panginoon. Amen.