EBANGHELYO: Mt 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita n’ya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi n’ya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan s’ya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi n’ya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutunan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Gugustuhin mo bang makitang kasama ng mga taong may hindi magandang reputasyon? Magiging komportable ka bang kausap ang mga taong bulgar kung magsalita? Sa totoo lang siguradong magdadalawang isip muna tayo bago sumagot ng “Oo” sa mga itinanong ko. Pero sigurado ako na si Hesus ay walang pag-aalinlangang sasagot ng “Oo”, dahil tinatanggap niya ang lahat, maging ang sa tingin natin ay mga makasalanan at hindi karapat-dapat ng ating atensyon. Mahirap talagang maging tunay na tagasunod ni Hesus dahil hindi lang nagtatapos ang pagiging Kristiyano sa pananalangin, pagsisimba, pagbibigay ng donasyon, at pagsasalita tungkol sa Mabuting Balita. Higit pa sa mga iyon ang ninanais ng Panginoon mula sa atin. Kailangang maging “inclusive” tayo tulad ni Hesus. Ibig sabihin, kailangang matuto tayong tumanggap ng iba’t ibang uri ng tao, walang pinipili, walang itinatangi.
PANALANGIN:
Panginoon, hindi po madali ang hinihiling ninyo sa amin. Nag-aalinlangan kami na baka malagay kami sa delikadong sitwasyon kung basta-basta na lamang naming tatanggapin ang mga taong hindi namin lubos na nakikilala. Alam po naming hindi rin ninyo gustong ilagay namin ang aming mga sarili sa alanganing sitwasyon. Palalimin po ninyo ang aming pang-unawa at pananampalataya sa inyong pag-ibig, at ingatan kami sa pagtupad namin sa mga tungkuling iniatang ninyo sa amin. Amen.