EBANGHELYO: Lk 9:46-50
Nangyari na ikinabahala ng mga alagad kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha s’ya ng isang bata at pinatayo sa tabi nila. At sinabi n’ya sa kanila: “Tumatanggap sa akin, ang tumatanggap sa batang ito, sa Ngalan ko, At tumatanggap sa nagsugo sa akin ang tumatanggap sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang s’yang dakila.” At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin s’ya dahil hindi s’ya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo s’yang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Rev. Oliver Vergel Occena Par ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Open-minded ka ba? Gusto mo rin bang maging successful? Kumita ng malaking pera? Magkaroon ng malaking bahay at lupa? Yumaman through online? Naku, wala po akong solusyon dyan./ Hindi masama ang maging successful sa buhay, dahil ito naman talaga ang dahilan kaya tayo nagsusumikap na mag-aral at makahanap ng trabahong maganda. Syempre, gusto nating maghanda para sa ating future family, o di kaya nama’y gusto nating maging maganda ang kalagayan natin sa buhay. Pero, ano ba ang tunay na “success”? Sino ang tunay na “successful”? Pera at yaman lang ba ang sukatan ng “success”?/ Mga kapatid, higit sa pera, malaking bahay, at magagarang sasakyan, ang “success” o “tagumpay” sa buhay ay nasusukat kung gaano tayo ka-kontento sa kung ano ang meron tayo. Hindi masama ang mag-ambisyon, pero kung isinasakatuparan natin ang ating ambisyon sa pamamagitan ng pagkamkam sa bagay ng iba, o di kaya nama’y sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa reputasyon ng iba, upang tayo ang umaangat sa posisyon at ikabagsak ng iba, hindi ito ang tunay na “success.” Walang “success” ang ninanakaw! Ang lahat ng “success” ay dinaraan sa pagsusumikap kasama ang iba; pagpanig sa katotohanan; at higit sa lahat, pag-papakumbaba./
PANALANGIN:
Mahal na Hesus, turuan mo kaming magsumikap sa buhay nang may pagpapakumbaba. Gaya ni San Lorenzo Ruiz, nawa’y pumanig kami lagi sa katotohanan kahit na kapalit nito ay paghihirap at pangungutya. Tulungan mo kaming maging matibay sa gitna ng aming paghihirap upang makamit ang aming mga pangangailangan sa buhay. Amen.