EBANGHELYO: Lk 9:57-62
Habang naglalakad si Jesus at ang kanyang mga alagad, may nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa ‘yo saan ka man pumunta.” “May lungga ang mga pusang-gubat at may mga pugad naman ang mga ibon, ang Anak ng Tao nama’y wala man lang mahiligan ng kanyang ulo.” At sinabi naman n’ya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” “Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama.” “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay. Humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos.” “Susunod ako sa iyo, Panginoon, pero pauwiin mo muna ako para magkapagpaalam sa aking mga kasambahay.” “Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Brother Braindel Cabanog ng Diocese ng Paranaque ang pagninilay sa Ebanghelyo. Keep walking. Isa itong tagline ng advertisement ng isang produkto. Hindi tumitigil ang ikot ng mundo. Patuloy tayong naglalakbay, at nagsusumikap tungo sa ating goal o destinasyon. Minsan, feeling natin tumitigil, o gumuguho ang ating mundo pag ang mga nangyayari sa ating buhay ay di ayon sa ating nais. Mga kapatid, tinuturuan tayo ng Mabuting Balita ngayon na ang pagsunod kay Hesus ay ang patuloy na pagsunod sa nais ng Diyos kahit ilang beses pa tayong madapa. Ilang beses man tayong magkasala, patuloy pa rin ang Diyos sa pagtawag sa atin. Hindi pinangako ng Diyos na magiging madali ang pagsunod sa kanya. Sa halip, ang kanyang pangako ay sasamahan nya tayo sa bawat sandali ng ating buhay. Ngayong araw din, ay ginugunita natin si St. Jerome. Kilala sya sa pagsalin ng Biblia sa wikang Latin. Kung mahirap nang basahin ang buong Biblia, mas mahirap ang magsalin! Ilang taon ang aabutin mo doon bago ito matapos. Pero kinasangkapan ng Diyos ang kahinaan ng tao, sa katauhan ni St. Jerome. Mula noon, ilang beses nang sinalin ang Biblia hanggang sa wikang ating niintindihan at nauunawaan. Mga kapatid, hingin natin ang biyayang ito sa Diyos na tulungan tayong magpatuloy at sikaping tapusin ang mga pang-araw araw na gawain. Tandaan natin na ang pagsunod sa Panginoon, ang paggawa ng mabuti ay hindi nagdudulot ng masama.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, maging guideline nawa ng aming buhay ang iyong Mabuting Balita. Amen.