Daughters of Saint Paul

OCTOBER 1, 2020 – HUWEBES SA IKA-26 NA LINGGO NG TAON | Paggunita kay Santa Teresita ni Jesus, dalaga at pantas ng Simbahan

EBANGHELYO: Lk 10:1-12

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at ang inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang Kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.”

PAGNINILAY:

Sa kalagayan ng mundo natin ngayon na tila maraming tao ang napapalayo sa Diyos at wala ng kamalayan sa kasalanan, napapanahon ang sinabi ng Panginoon na “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa.” Totoong marami ang nalilito at naghahanap ng liwanag ng katotohanan sa buhay lalo na ngayong panahon ng pandemya, pero kakaunti ang tagapagturo.  Marami ang nawawalan ng pag-asa, nawalan ng trabaho at mga mahal sa buhay, pero kakaunti ang nagpapalakas ng loob dahil lahat apektado ng pandemya.  Marami ang namumuhay sa kamalian, pero kulang naman tayo sa tagapagtuwid sa mga katiwalian.  Marami rin ang uhaw sa Salita ng Diyos pero hindi pa rin sapat ang bilang ng mga tagapagpahayag. Bakit kaya hanggang ngayon, kulang pa rin ang manggagawa? Mga kapatid, marahil masyado tayong umaasa sa mga namumuno sa ating Simbahan. Oo, tungkulin ng mga Obispo, pari at relihiyoso ang magturo, mangasiwa at akayin tayo sa kabanalan.  Pero, mahalaga man ang kanilang papel, munting bahagi lamang sila ng kabuuang ng Simbahan. Tayong mga binyagang Kristiyano ang mas marami. Kung sisikapin lamang ng bawat isa sa atin na mamuhay nang kalugod-lugod sa Diyos at tupdin ang Kanyang mga utos, – hinding-hindi kukulangin ang mga manggagawa sa ubasan ng Diyos.  Amen.