EBANGHELYO: Mt 18:1-5, 10
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila s’ya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. At nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Rev. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Alam mo bang may isang anghel ang nagbabantay o nagtatanod sa bawat tao? Ngayong kapistahan ng mga Banal na Anghel na Tagatanod, ipinapaalala sa atin ang presensya ng mga anghel sa ating buhay pananampalataya.// Galing ang salitang anghel sa salitang Latino na “angelus” na ang ibig sabihin, tagapaghatid ng mensahe. Sa bibliya, itinuturing silang mga tunay at buhay na nilalang, pero mga supernatural o nonphysical beings sila kung tawagin. Ibig sabihin, hindi sila nakikita o mahahawakan. Sa kabilang banda, maaari silang mag-anyong tao sa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, pero, sa limitadong panahon lamang dahil pagkatapos nilang tuparin ang kanilang tungkulin, agad naman silang bumabalik sa tunay nilang anyo. Sa ebanghelyo ni San Lucas (1:26), kilala si anghel Gabriel bilang tagapaghatid ng mabuting balita kay Maria; at sa aklat ng Pahayag (12:7), nakilala si arkanghel Miguel bilang isang mandirigmang anghel, nakikipagtuligsa sa dragon at sa mga kampon ni Satanas. Palaging may kaugnayan sa pagliligtas ng Panginoon ang nilalaman ng mga mensahe ng anghel sa bibliya. Ito’y dahil sa pagnanais ng Diyos na mailigtas ang buong sangkatauhan.// (Pero kung may mabubuting anghel, mayroon ding masasamang anghel na naghahatid ng kasamaan. Sila ang tinatawag na fallen angels, fallen angels dahil sila ang nagsisuway at nagrebelde sa utos ng Diyos. Naghahatid sila ng kasinungalingan at iba pang masasamang bagay. Kaya nga pinag-iingat tayo laban sa mga anghel tulad nila dahil hindi lahat ng mga anghel na tinatawag o kinakausap natin, ay aprubado ng simbahan lalo na kung hindi nakasaad ang kanilang pangalan sa bibliya.) Kung tunay at mabuti ang isang anghel, wala siyang ibang ihahangad kundi ang kaligtasan ng isang tao mula sa kasamaan at kasalanan. Makikita o madarama ang presensya ng anghel sa paraan ng pamumuhay ng isang tao. // Kapatid, palagi mo bang kinakausap ang iyong guardian angel sa pang-araw na araw mong gawain? Palagi mo ba siyang hinihingan ng tulong, kapag gagawa ka ng maliliit o mabibigat na desisyon sa buhay? Tulad ng guardian angel, naghahatid ka rin ba ng mabuting balita? Inilalayo mo ba ang iyong kapwa mula sa kapahamakan at kasalanan?