Daughters of Saint Paul

OCTOBER 4, 2020 – IKA-27 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mt 21:33-43

Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan, …Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka… Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” …‘Pupuksain n’ya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.’” At sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Rev. Oliver Occena Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Marami kang kakayahan o talents. (Marunong ka kumanta, sumayaw, magsalita sa harap ng maraming audience, mag-drawing, matalino, magaling sa music, sports, at magaling din sa iba’t ibang subjects sa school at iba pa. Marami.) Pero natanong mo na ba minsan ang sarili mo kung para saan mo ginagamit ang mga talents na ito?// Kapatid, sa ating Ebanghelyo, katulad ng isang ubasan na namumunga ng marami upang gawing masarap na alak sa hapag-kainan ng Panginoon, ang ating mga talents at kakayahan ay mga bunga rin, na kinakailangang maging instrumento ng Diyos sa pagpapalaganap ng kanyang kabutihan.// (Ang Panginoon lamang ang nagbibigay sa iyo ng kung anumang talento o kakayahan ang meron ka ngayon. Ang Panginoon ang nagtatanim ng binhing ito sa iyo; ikaw lamang ang nagpapalaki at nagpapayabong nito. Kaya nga walang dahilan upang ipagdamot at isarili ang mga talentong ito. Ibinigay ang mga ito sa iyo dahil alam ng Panginoon na may kakayanan ka ring magbahagi—“sharing.”) Hindi nagbibigay ang Panginoon ng walang dahilan at kapupuntahan.// Kaya ang hamon sa iyo ng ating mga Pagbasa at Ebanghelyo ngayong araw: Bigyan mo ng direksyon ang iyong mga kakayanan o talento. Manalangin ka at magnilay, upang matanto mo kung ano ang mas malaking saysay o purpose ng iyong mga talento. Para saan at kanino mo ba ginagamit ang mga ito?  

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo kaming maging instrumento ng iyong kabutihan at pagmamahal sa iba. Amen.