EBANGHELYO: Lk 10:38-42
Pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Rev. Sebastian Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Paano ba natin tinitingnan ang misyong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos? Isang simpleng trabaho lamang? Ang lakas ba na ibinubuhos natin upang gampanan ang ating misyon ay kinikilala natin na nangagaling sa ating sariling lakas?// Sa ating ebanghelyo ngayon, pinuri ni Hesus si Maria dahil pinili niyang makinig kay kanya. Abala naman itong si Marta sa paghahanda ng makakain para sa kanilang bisita na si Hesus. Hindi naman ibig sabihin ni Hesus na tumigil si Marta sa kanyang gawain, dahil mas importante ang pakikinig sa kanya. Nais lamang iparating ni Hesus kay Marta, na mas maayos niyang magagampanan ang kanyang mga gawain kung kinikilala niyang nagmumula sa Diyos ang kanyang kalakasan, sa pamamagitan ng kanyang pakikinig sa kanya. Ito rin ang paanyaya ni Hesus sa atin bilang mga tagasunod niya.// Kapatid, lahat tayo’y biniyayaan ng Diyos ng talino, lakas, at talento sa ibat-ibang mga gawain. Ibinigay lahat ng Diyos ang mga iyon sa atin, upang gamitin sa ating misyon, para sa kanyang kadakilaan. Kadalasan, nalilimutan natin ito, at nagmamayabang tayo. Animo’y ang ating angking talento ay nagmula sa ating sariling pagsisikap. Kaya naman kinakalimutan na nating makinig sa Diyos at humingi ng karagdagang lakas para sa ating mga tungkulin o para sa misyong ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Kung kinikilala natin, na ang lahat ng ating talento’y galing sa Diyos, marapat lang din na kilalanin natin na ang Diyos pa rin ang nagbibigay sa atin ng kalakasan, upang maglingkod sa tao at sa Kanya. Binibigyan tayo ng Diyos ng inspirasyon, sa pamamagitan ng pakikinig sa kanya kung ano kanyang kalooban sa atin.
PANALANGIN:
Panginoon, bigyan nyo po kami ng kaliwanagang matanto, na ang lahat ng lakas at kakayahan namin ay nagmumula lamang sa iyo at hindi sa amin. Wag nawa sanang maghari ang kayabangan sa aming puso’t isipan. Kilalanin nawa namin, na ang lahat ay nagmula sa iyo. Maibalik din nawa namin ang aming mga talento bilang kaloob sa iyo. Amen.